Multikultural na paglilipat-bansa
WALA SA PAGSUSULIT Sulit basahin ang bahaging ito, pero hindi ito kailanman itinatanong sa citizenship test.
Noong dekada 1950 at 1960, isang lumalaking kilusan na kinabibilangan ng maraming Asyano, simbahan at iba pang grupo ang naghangad na wakasan ang patakarang 'White Australia'.
Noong 1958, inalis ng pamahalaan ang dictation test at noong 1966, sinimulan ng Australia ang piling paglipat ng mga hindi Europeo at bihasang Asyano. Sa kalaunan, kinilala ng mga Australyano saanman ang halaga ng pagsasama ng lahat ng bansa sa programa ng paglipat ng Australia.
Noong 1973, natapos ang patakarang 'White Australia', at ang Australia ay nasa landas na tungo sa multikulturalismo. Mula sa panahong ito, inalis ng pamahalaan ang lahat ng pamantayang batay sa lahi para sa imigrasyon. Noong 1975, pagkatapos ng Digmaang Vietnam, tinanggap ng Australia ang pinakamaraming bilang ng mga Asyanong refugee at migrante, na karamihan ay mula sa Vietnam, China at India.
Mula noong 1945, milyun-milyong tao ang dumating upang manirahan sa Australia, kabilang ang maraming refugee mula sa mga bansang winasak ng digmaan. Ngayon, ang mga migrante ng Australia ay nagmumula sa buong mundo.
May aktibong patakaran ng pagsasama ang Australia, kung saan ang bawat tao ng bawat lahi, etnisidad o kultura ay makakaramdam na bahagi siya ng ating lipunan. Ang patakarang ito ay umaabot sa lahat ng aspekto ng lipunang Australyano, kabilang ang mga patakaran ng pamahalaan. Makikita ito sa ating kurikulum ng edukasyon mula sa maagang pagkabata hanggang sa unibersidad, at isinasagawa sa bawat lugar ng trabaho.
Ang karapatan ng bawat indibidwal na tratuhin nang pantay at walang diskriminasyon ay ipinagtatanggol ng Australian Human Rights Commission at ng mga ahensiya ng pamahalaan laban sa diskriminasyon sa bawat estado at teritoryo. Ang diskriminasyon dahil sa lahi ay hayagang kinokondena at isang krimen sa ilalim ng batas.
Ang Australia ay naging isang multikultural na lipunan ng pagkakasundo at pagtanggap. Isa itong bansa kung saan ang mga migrante, Katutubong Australyano at lahat ng ipinanganak sa Australia ay malayang makakapaghangad ng kanilang mga layunin nang mapayapa.
Dr Victor Chang (1936–91)
Si Dr Victor Chang ay isa sa pinakamagagaling na siruhano ng puso sa Australia. Si Victor Peter Chang Yam Him ay isinilang sa China noong 1936 at dumating sa Australia noong siya ay 15 taong gulang.
Nagtrabaho siya sa St Vincent's Hospital sa Sydney at noong 1984 itinatag niya ang unang sentro sa Australia na dalubhasa sa paglilipat ng puso. Noong 1986, si Victor ay ginawaran ng Companion of the Order of Australia.
Nabahala si Victor tungkol sa kakulangan ng mga donor kaya nagsimula siyang magdisenyo ng artipisyal na puso, na halos tapos na nang siya ay malagutan ng buhay nang trahiko noong 1991.
Isang bagong sentro ng pananaliksik ang itinatag bilang alaala sa kanya. Naaalala siya dahil sa kanyang kadalubhasaan, optimismo at pagiging makabago.
Mula sa Australian Citizenship: Our Common Bond, ang opisyal na booklet