Albert Namatjira (1902–59)
WALA SA PAGSUSULIT Sulit basahin ang bahaging ito, pero hindi ito kailanman itinatanong sa citizenship test.
Si Albert Namatjira ay isang dakilang artistang Australyano na nagpasimuno ng isang ganap na bagong paraan ng pagpipinta ng mga tanawing Australyano. Bilang isang batang lalaking Arrernte, nagpakita si Albert ng likas na kaloob sa pagpipinta. Napakalimitado ng kanyang pormal na pagsasanay, ngunit napakapopular ng kanyang mga watercolour na pinta ng kanayunan ng Australia at napakabilis mabenta.
Siya at ang kanyang asawa ang unang mga Aboriginal na tao sa Australia na pinayagang maging mamamayan. Ibig sabihin nito, makakaboto sila, makakapasok sa isang hotel at makakapagtayo ng bahay saanman nila gusto. Itinampok ng pagkamamamayang Australyano ni Albert ang katotohanang wala ang mga karapatang ito sa ibang Katutubong Australyano.
Ipinakita ng kanyang buhay sa mga hindi Katutubong Australyano ang kawalang-katarungan ng mga batas na may diskriminasyong lahi at nag-ambag sa mga pagbabago para sa Aboriginal and Torres Strait Islander peoples.
Mula sa Australian Citizenship: Our Common Bond, ang opisyal na booklet