Ang pagtrato sa mga Aboriginal at Torres Strait Islander na mamamayan
WALA SA PAGSUSULIT Sulit basahin ang bahaging ito, pero hindi ito kailanman itinatanong sa citizenship test.
Noong dekada 1940 at 1950, ang patakaran ng pamahalaan tungo sa Aboriginal and Torres Strait Islander peoples ay pagsasanib (assimilation). Ibig sabihin nito, sinabihan ang Aboriginal and Torres Strait Islander peoples na mamuhay sa parehong paraan tulad ng populasyong hindi Katutubo. Hindi ito umubra dahil ayaw nilang mawala ang kanilang tradisyonal na kultura.
Noong dekada 1960, nagbago ang patakaran tungo sa integrasyon. Karamihan sa mga lalaki sa Australia ay nagkaroon ng karapatang bumoto noong dekada 1850, ngunit hindi naipagkaloob ang karapatang bumoto sa Commonwealth sa lahat ng Aboriginal peoples hanggang 1962. Bilang bahagi ng integrasyong ito, binigyan ang Aboriginal peoples ng mga karapatang sibil ngunit inaasahan pa rin silang makibagay sa kulturang Australyanong hindi Katutubo.
Noong 1967, mahigit 90 porsiyento ng mga Australyano ang bumoto ng 'Yes' sa isang makasaysayang reperendum na nagpahintulot na mabilang ang Aboriginal and Torres Strait Islander peoples sa limang-taunang Census of Population and Housing ng Australia. Ipinakita nito na, sa panahong iyon, iniisip ng napakaraming Australyano na dapat bigyan ang Aboriginal and Torres Strait Islander peoples ng parehong karapatan tulad ng lahat.
Ang paglawak na ito ng mga pagpapahalaga ng lipunan at ang malakas na protesta ng mga Aboriginal ay humantong sa pagpapakilala ng self-determination (sariling pagpapasiya) bilang pangunahing gabay na prinsipyo sa paggawa ng patakaran kaugnay ng Aboriginal and Torres Strait Islander peoples. Kinilala ng pamahalaan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng boses ng Aboriginal and Torres Strait Islander peoples sa kanilang sariling pampulitika, pang-ekonomiya, panlipunan at kultural na pag-unlad.
Ang mga protesta tungkol sa karapatan sa lupa ay nakakuha ng atensiyon ng publiko noong dekada 1960 sa Gurindji Strike sa Wave Hill sa Northern Territory. Ang mga Aboriginal na tagapag-alaga ng baka, sa pamumuno ni Vincent Lingiari, ay umalis sa trabaho sa cattle station bilang protesta sa sahod at kalagayan sa paggawa. Ang kanilang mga hakbang ang nagbukas ng daan para kina Eddie Mabo at iba pa upang ipaglaban ang karapatan sa lupa.
Sa ilalim ng 1976 Aboriginal Land Rights (Northern Territory) Act, ipinagkaloob sa Aboriginal peoples ang mga lugar ng lupa sa liblib na bahagi ng Australia. Noong unang bahagi ng dekada 1990, kinilala ng Mabo decision ng High Court at ng Native Title Act 1993 na ang Aboriginal and Torres Strait Islander peoples ay may karapatang mag-angkin ng lupa batay sa kanilang sariling tradisyonal na batas at kaugalian.
Lumalaking bahagi ng Australia ang saklaw ng mga native title determination. Sa mga lugar na ito, nagpapatuloy ang mga aspekto ng tradisyonal na lipunan.
Noong Mayo 1997, iniharap sa Australian Parliament ang ulat na 'Bringing them home'. Ang ulat ay bunga ng isang imbestigasyon sa pagkuha ng malaking bilang ng mga batang Aboriginal and Torres Strait Islander mula sa kanilang mga pamilya. Ang mga batang ito ay nakilala bilang ang 'Stolen Generations'. Bunga ng ulat, libu-libong Australyano ang nagpakita ng suporta sa kanilang Katutubong kapwa Australyano sa pamamagitan ng sama-samang pagmamartsa sa unang pambansang 'Sorry Day' noong 1998.
Mula sa Australian Citizenship: Our Common Bond, ang opisyal na booklet