Ang pagsilang ng mga partidong pampulitika
WALA SA PAGSUSULIT Sulit basahin ang bahaging ito, pero hindi ito kailanman itinatanong sa citizenship test.
Noong dekada 1880, nakabuo na ang mga manggagawa sa Australia ng malalakas na unyon. Sa panahon ng pagbagsak ng ekonomiya at tagtuyot, nagdaos ang mga unyong ito ng mga welga upang protektahan ang sahod at mga kalagayan sa paggawa.
Noong 1891, bumuo ang mga manggagawang ito ng isang partidong pampulitika, ang Labor Party. Ang pangunahing layunin nito ay pabutihin ang sahod at kalagayan ng mga manggagawa. Mas maginhawa ang pamumuhay ng mga taong nasa gitnang uri kaysa sa mga manggagawa ngunit naunawaan nila ang kalagayan ng mga manggagawa. Binuo ang mga opisyal na lupon upang magtakda ng sahod at maiwasan ang mga welga. Noong 1907, itinakda ng Commonwealth Court of Conciliation and Arbitration ang pinakamababang sahod sa antas kung saan ang isang manggagawang lalaki, ang kanyang asawa at tatlong anak ay makapamumuhay nang may simpleng ginhawa.
Noong 1910, nabuo ang unang bersyon ng isang Liberal Party. Maraming pangalan ang partidong ito sa paglipas ng mga taon, kabilang ang Nationalist Party at ang United Australia Party. Noong 1944, itinatag ni Robert Menzies ang Liberal Party na kilala natin ngayon, at siya ang naging pinakamatagal na naglingkod na Punong Ministro ng Australia.
Pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, binuo ang Country Party upang isulong ang kapakanan ng mga magsasaka. Kilala na ito ngayon bilang National Party, at kadalasan ay kumikilos sa koalisyon kasama ang Liberal Party.
Mula sa Australian Citizenship: Our Common Bond, ang opisyal na booklet