Paglilipat-bansa noong 1800s
WALA SA PAGSUSULIT Sulit basahin ang bahaging ito, pero hindi ito kailanman itinatanong sa citizenship test.
Noong unang bahagi ng 1800s, ang mga pangunahing grupo sa mga kolonya ay may pinagmulang Ingles, Scottish, Welsh at Irish. Marami sa mga libangan, gawaing pangkultura at gawaing panrelihiyon sa Australia ay sumasalamin sa mga nasa Great Britain. Mayroon ding maliliit na grupo ng mga migrante mula sa Europa at Asya. Kabilang sa mga dumating na Europeo noong 1800s ang mga Italyano, Griyego, Polako, Maltese at Ruso, gayundin ang mga settler na Pranses na nagtatrabaho sa industriya ng alak. Karamihan sa kanila ay mga kabataang lalaki na naghahanap ng trabaho at kayamanan, o mga marino na tumakas sa kanilang barko.
Pagkatapos ng 1842, nagsimulang dumating sa Australia ang mga migranteng Tsino, at lumaki ang kanilang bilang pagkatapos matuklasan ang ginto. May mga tensyong panlahi sa mga minahan ng ginto, na kung minsan ay humantong sa mga kaguluhan laban sa mga Tsino, tulad ng nangyari sa Bendigo noong 1854. Ang mga tensyong panlahing ito ay nagbunga ng mga unang paghihigpit sa imigrasyon sa Victoria noong 1855 at sa New South Wales noong 1861.
Pagkatapos ng mga gold rush noong dekada 1850, marami sa mga Tsino ang umuwi. Kabilang sa mga nanatili ang mga hardinerong nagtinda sa palengke na nagbigay ng kailangang-kailangang sariwang prutas at gulay sa mga lugar kung saan kakaunti ang tubig.
Mula dekada 1860, dumating ang mga tao mula Iran, Egypt at Türkiye upang magpatakbo ng mga ‘tren’ ng kamelyo sa outback ng Australia. Kasama ng mga tagapangasiwa ng kamelyo mula India, tinawag silang lahat sa maluwag na paraan na ‘Afghans’, higit sa lahat dahil sa magkatulad nilang pananamit at magkatulad na paniniwalang Islamiko. Ang mga tagapangasiwa ng kamelyo na ito ay itinuring na ‘mga pioneer ng kalupaan’.
Mayroon ding mga Indian at Pacific Islander na nagtrabaho sa industriya ng asukal at saging sa Queensland, kadalasan sa napakababang sahod at masamang kalagayan.
Mula dekada 1880, dumating sa Australia ang mga manggagawa mula Lebanon. Marami sa kanila ang nasangkot sa industriya ng tela at damit, at napasakamay ng mga pamilyang Lebanese ang halos lahat ng tindahan ng tela sa kanayunan ng Australia.
Mula sa Australian Citizenship: Our Common Bond, ang opisyal na booklet