Paggalugad sa kalooban ng lupain
WALA SA PAGSUSULIT Sulit basahin ang bahaging ito, pero hindi ito kailanman itinatanong sa citizenship test.
Sa New South Wales, humarap sa matinding kahirapan ang mga unang kolonista. Natutuhan ng Aboriginal and Torres Strait Islander peoples na pamahalaan at mamuhay sa tuyong kapaligirang ito, bagaman naghirap din sila sa panahon ng tagtuyot.
Ang Blue Mountains (mga 50 kilometro sa kanluran ng Sydney) ay isang malaking hamon sa mga unang eksplorador ng kalupaan mula sa Sydney. Noong 1813, tatlong lalaki — sina Gregory Blaxland, William Charles Wentworth at William Lawson — ang sa wakas ay nakatawid sa hanay ng bundok na ito. Hanggang ngayon, ang kalsada at riles na tumatawid sa Blue Mountains ay sumusunod pa rin sa daang tinahak nila.
Sa kabilang panig ng mga bundok na ito, natuklasan ng mga eksplorador ang malawak na lupain na mainam para sa pag-aalaga ng tupa at baka. Sa mas malalim pa sa kalupaan, nakarating sila sa tuyot at disyertong lupain.
Nahirapan ang mga eksploradong Europeo na makahanap ng tubig at magdala ng sapat na pagkain upang mabuhay. Ang eksploradong ipinanganak sa Alemanya na si Ludwig Leichhardt ay nawala habang sinusubukang tawirin ang kontinente mula silangan hanggang kanluran noong 1848.
Noong 1860, umalis sina Robert O’Hara Burke at William John Wills mula sa Melbourne upang tawirin ang Australia mula timog hanggang hilaga. Pinamunuan nila ang isang malaking ekspedisyon, ngunit napakahirap ng kanilang pagtawid. Hindi bihasang taga-bush sina Burke at Wills. Nakatanggap sila ng dalubhasang tulong mula sa Aboriginal na mamamayang Yandruwandha, ngunit parehong namatay ang dalawang eksplorador sa kanilang pagbabalik. Bagaman hindi nila natapos ang kanilang ekspedisyon, naaalala ang kanilang kuwento sa sining at panitikan. Isa itong trahikong halimbawa ng kabagsikan ng aming lupain.
Mula sa Australian Citizenship: Our Common Bond, ang opisyal na booklet