Aktibong paglahok sa mga pandaigdigang forum
WALA SA PAGSUSULIT Sulit basahin ang bahaging ito, pero hindi ito kailanman itinatanong sa citizenship test.
Ang Australia ay naging aktibong kasapi ng United Nations (UN) mula pa sa simula nito noong 1945. Nagbibigay ang Australia ng proteksyon sa mga taong kinilalang refugee sa ilalim ng 1951 UN Refugee Convention. Nag-aambag din ito sa mga pagsisikap ng UN sa pagpapanatili ng kapayapaan at sa mga tugong makatao at pang-emerhensiya para sa mga umuunlad na bansa, at malakas ang partisipasyon nito sa UN Educational, Scientific and Cultural Organization.
Noong 1971, naging ganap na kasapi ang Australia ng Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD). Layunin ng OECD na pabutihin ang kalagayang pang-ekonomiya at panlipunan ng mga tao sa buong mundo habang pinalalawak ang kalakalan sa mundo.
Mariing sinusuportahan ng Australia ang mas malapit na kooperasyon sa rehiyon ng Asia-Pacific. Aktibo itong kasapi ng Asia-Pacific Economic Cooperation, ng East Asia Summit, at ng Pacific Islands Forum. Ito ay isang dialogue partner ng Association of Southeast Asian Nations at nakikilahok sa Regional Forum nito.
Dr Catherine Hamlin AC (1924–2020)
Si Dr Catherine Hamlin ay isang gynaecologist, kilala sa pagsagip sa mga kabataang babaeng Etiyope mula sa buhay ng paghihirap. Mula 1959, nagtrabaho si Dr Hamlin sa Addis Ababa sa Ethiopia at tumulong sa mga kababaihang may pinsala sa panganganak na kilala bilang ‘obstetric fistula’. Ang mga babaeng may ganitong panloob na pinsala ay hindi makontrol ang mga gawain ng kanilang katawan at napapahiya at itinatakwil ng kanilang komunidad.
Itinatag ni Dr Hamlin at ng kanyang asawa ang Addis Ababa Fistula Hospital. Dahil sa kanilang mga pagsisikap, libu-libong kababaihan ang nakauwi upang mamuhay nang ganap at malusog.
Noong 1995, ginawaran si Dr Hamlin ng Companion of the Order of Australia, ang pinakamataas na parangal ng Australia.
Mula sa Australian Citizenship: Our Common Bond, ang opisyal na booklet