Mga Australyanong Nobel Laureate
WALA SA PAGSUSULIT Sulit basahin ang bahaging ito, pero hindi ito kailanman itinatanong sa citizenship test.
Kilala ang Australia sa pananaliksik sa agham at medisina. Ang sumusunod na mga Australyano ay nanalo ng Nobel Prize sa mga larangang ito.
• Propesor William Bragg (1862–1942) at Lawrence Bragg (1890–1971), mga pisisista Sina William Bragg (ama) at Lawrence Bragg (anak) ay magkatuwang na nanalo ng Nobel Prize in Physics 1915, ‘para sa kanilang ambag sa pagsusuri ng istruktura ng kristal sa pamamagitan ng X-ray’.
• Sir Howard Walter Florey (1898–1968), pathologist Ipinanganak sa Adelaide, South Australia, tinanggap ni Howard Florey ang Nobel Prize in Physiology or Medicine 1945 (magkatuwang) ‘para sa pagtuklas ng penicillin at sa nakapagpapagaling na epekto nito sa iba't ibang nakakahawang sakit’.
• Sir Frank Macfarlane Burnet (1899–1985), siyentipikong medikal at biologist Ipinanganak sa Victoria, ginawaran si Frank Burnet ng Nobel Prize in Physiology or Medicine 1960 (magkatuwang) ‘para sa pagtuklas ng acquired immunological tolerance’.
• Sir John Carew Eccles (1903–97), physiologist Ipinanganak si John Eccles sa Melbourne at tinanggap ang Nobel Prize in Physiology or Medicine 1963 (magkatuwang) ‘para sa mga natuklasan tungkol sa mga ionic na mekanismong sangkot sa excitation at inhibition sa panlabas at gitnang bahagi ng lamad ng selula ng nerbiyo’.
• Sir Bernard Katz (1911–2003), manggagamot at biophysicist Ipinanganak sa Germany, naging mamamayang Australyano si Bernard Katz noong 1941. Tinanggap niya ang Nobel Prize in Physiology or Medicine 1970 para sa ‘mga natuklasan tungkol sa mga humoral transmitter sa mga dulo ng nerbiyo at sa mekanismo ng kanilang pag-iimbak, paglalabas at pag-iinaktibo’.
• Propesor John Warcup Cornforth (1917–2007), chemist Ipinanganak si John Cornforth sa Sydney at tinanggap ang Nobel Prize in Chemistry 1975 (magkatuwang) ‘para sa kanyang gawain sa stereochemistry ng mga reaksiyong pinapabilis ng enzyme’.
• Propesor Peter Doherty (ipinanganak 1940), immunologist Ipinanganak si Peter Doherty sa Queensland at tinanggap ang Nobel Prize in Physiology or Medicine 1996 (magkatuwang) ‘para sa mga natuklasan tungkol sa pagiging tiyak ng depensang immune na pinapamagitanan ng selula’.
• Propesor Barry Marshall (ipinanganak 1951), gastroenterologist, at Doktor Robin Warren (ipinanganak 1937), pathologist Sina Barry Marshall at Robin Warren ay magkatuwang na nanalo ng Nobel Prize in Physiology or Medicine 2005 para sa kanilang pagtuklas ng ‘bakteryang Helicobacter pylori at ang papel nito sa gastritis at peptic ulcer disease’.
• Propesor Elizabeth Helen Blackburn (ipinanganak 1948), biologist Ipinanganak si Elizabeth Blackburn sa Hobart at tinanggap ang Nobel Prize in Physiology or Medicine 2009 (magkatuwang) ‘para sa pagtuklas kung paano pinoprotektahan ang mga chromosome ng mga telomere at ng enzyme na telomerase’.
• Propesor Brian P. Schmidt (ipinanganak 1967), astronomo Tinanggap ni Brian P. Schmidt ang Nobel Prize in Physics 2011 (magkatuwang) ‘para sa pagtuklas ng bumibilis na paglawak ng sansinukob sa pamamagitan ng mga obserbasyon ng malalayong supernova’.
Ang sumusunod na Australyano ay tumanggap ng Nobel Prize in Literature.
• Patrick White (1912–90), nobelista at manunulat ng dula Ipinanganak sa London sa mga magulang na Australyano, ginawaran si Patrick White ng Nobel Prize in Literature noong 1973 ‘para sa isang epiko at sikolohikal na sining ng pagsasalaysay na nagpakilala ng bagong kontinente sa panitikan’.
Mula sa Australian Citizenship: Our Common Bond, ang opisyal na booklet