Isport at libangan
WALA SA PAGSUSULIT Sulit basahin ang bahaging ito, pero hindi ito kailanman itinatanong sa citizenship test.
Maraming Australyano ang mahilig sa isports at nakamit ng mga Australyanong manlalaro ang kahanga-hangang resulta sa antas na pandaigdig.
Sa buong kasaysayan natin, ang isports ay naglarawan at nagbuklod sa mga mamamayang Australyano. Mula sa unang panahon ng pananahan, nagbigay ang isports ng kaginhawaan mula sa katotohanan ng mahirap na buhay. Kahit noong panahon ng digmaan, nag-organisa ang mga kasapi ng Australian Defence Force ng mga paligsahan sa isports upang makatulong na maibsan ang tensyon ng larangan ng digmaan.
Nagbibigay din ang isports ng isang saligang pinagsasaluhan na nagpaparamdam sa mga manlalaro at manonood na sila ay kabilang at bahagi ng isang bagay na mahalaga sa lipunang Australyano. Ang mga Aboriginal at Torres Strait Islander at ang mga migranteng Australyano ay kabilang sa pinakamatagumpay na manlalaro ng bansa.
Maraming Australyano ang lumalahok sa mga isports na pangkoponan tulad ng cricket, basketball, netball at hockey. Ang mga uri ng football na soccer, rugby league, rugby union at ang natatanging laro ng Australia na Australian Rules Football ('Aussie Rules') ay napakasikat na isports sa Australia, laruin man o panoorin. Sikat ding mga libangan ang paglangoy, tennis, athletics, golf, pagbibisikleta, bushwalking, surfing at skiing.
Lalo nang ipinagmamalaki ng Australia ang tagumpay nito sa pandaigdigang antas sa larong cricket. Matinding magkaribal ang mga koponan sa cricket ng Australia at England mula pa noong huling bahagi ng ika-19 na siglo.
Ang Melbourne Cup, 'ang karerang nagpapatigil sa bansa', ay isa sa pinakamalaking karera ng kabayo sa mundo. Ang unang Melbourne Cup ay ginanap noong 1861. Idinaraos ang Melbourne Cup tuwing unang Martes ng Nobyembre, at isa itong pistang opisyal sa Victoria mula pa noong 1877.
Sir Donald Bradman (1908–2001)
Si Sir Donald Bradman, ang pinakadakilang batsman sa cricket sa lahat ng panahon, ay isang alamat ng isports sa Australia. Lumaki siya sa Bowral, New South Wales, at nilaro niya ang kanyang unang laban sa cricket para sa koponan ng Australia noong 1928.
Kahanga-hanga siyang mabilis kumilos. Sa kanyang unang paglilibot sa England noong 1930, nabasag niya ang halos lahat ng rekord sa pagbabate. Sa edad na 21, isa na siyang alamat sa Australia. Sa kanyang huling paglilibot noong 1948, ang kanyang koponan ay nakilala bilang 'The Invincibles', dahil ni isang laban ay hindi sila natalo laban sa England.
Mula sa Australian Citizenship: Our Common Bond, ang opisyal na booklet